-- Advertisements --
teves

Hinamon ni suspended Representative Arnolfo Teves Jr si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ilabas ang mga hawak nitong ebidensya laban sa kanya na may kaugnayan umano sa kaso ng pagpatay kay Governor Roel Degamo.

Sa isang pahayag binigyang diin ng mambabatas na kailangang ipakita ng Department of Justice ang mga sinumpaang salaysay at iba pang ebidensya ng mga witnesses na nagsasangkot sa kanya sa pagkamatay ng gobernador.

Kabilang na rito ang pahayag ng umano’y co mastermind sa pagpaslang kay Governor Degamo na si Marvin Miranda.

Si Miranda ay ang dati bag man at security aid ni Teves.

Kung maaalala, naglabas ng pahayag ang mambabatas at hindi nito itinatanggi na naging tauhan niya si Miranda ngunit iginiit naman ni Teves na hindi niya ito kinakausap o nakakausap.

Ayon pa kay Teves, dapat ilabas rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP ang flight manifest umano ni Miranda na nagsasabing gumamit ito ng helicopter sa pagtakas matapos mapatay si Degamo.

Aniya, dahil sa mga tsismis ng ilang personahe ng gobyerno na wala namang matibay na ebidensya ay nagdulot ng panghuhusga sa kanyang pagkatao.

Iginiit pa nito na kailangang ibase ang lahat sa matibay na ebidensya

Samantala, ibinunyag ni Atty. Ferdinand Topacio,tumatayong abogado ni Arnie Teves na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang panghaharas ng pwersa ng pamahalaan laban sa kanilang kliyente.

Aniya, kahit holiday dahil sa Eid’l Fitr ay nagkasa pa rin ng operasyon ang mga awtoridad sa ilang ari-arian ng mambabatas.

Ang naturang raid ay naganap noong sabado sa manukan ni Teves sa Bayawan.

Kabilang rin aniya sa hinalughog ng mga awtoridad ay ang ilang porsyon ng ari-arian ni Teves na hindi na sakop ng naturang search warrant.

Batay aniya sa mga awtoridad na nagsagawa ng operasyon, may hinahanap lamang sila na isang indibidwal.

Naniniwala naman si Topacio na ito ay isang palusot lamang upang patuloy silang makapag sagawa ng operasyon sa mga ari-arian ng kanilang kliyente.