-- Advertisements --

Nilinaw ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mananatili pa ring suspendido ang deployment ng mga overseas Filipino workers (OFWs) patungong Saudi Arabia.

Ito ay dahil sa kabiguan pa rin daw na makipag-usap ang mga opisyal ng Kingdom of Saudi Arabia kaugnay sa pagbabayad ng hindi naibigay na sahod sa may 9,000 OFWs na nagkakahalaga ng P4.6 bilyon.

Paliwanag ni Sec. Bello kasama sana sa napag-usapan na dapat na pupunta sa Pilipinas ay si Saudi Arabian Labor Minister Ahmed al-Rajhi noong nakaraang Disyembre pero hindi ito natuloy.

Ang dumating lamang daw dito sa bansa ay ang technical working group umano ng Saudi Labor minister upang pag-usapan ang “mega recruitment agencies.”

Kaya naman wala rin daw nangyari sa dayalogo.

Dahil dito napagdesisyunan na panatilihin muna ang pagsuspinde sa OFW deployment hangga’t hindi nababayaran ang mga claims ng mga OFWs.

Bago ito ilang mga OFW na hindi nakakuha ng sweldo ang nanalo sa kaso para sa kanilang mga back wages pero hindi pa rin ito naibibigay ng ilang mga employers sa Saudi.

Kaugnay nito, inirekomenda ni Bello sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at sa Philippine Overseas Employment Authority (POEA) na pag-aralan ang pagpapatupad na ng deployment ban sa Saudi Arabia.