-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nagmatigas si Bansalan, Davao del Sur Mayor Quirina Sarte na hindi aalis sa puwesto hangga’t wala siyang natatanggap na kautusan patungkol sa suspensyon laban sa kanya.

Sa kasalukuyan ay alerto ang kapulisan sa nasabing probinsiya para maiwasan ang tensyon sa mga supporters ng alkalde matapos ang inilabas na kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Region 11 at Office of the Ombudsman kung saan nahaharap umano ang opisyal sa kasong anti-graft and corrupt practices act at grave misconduct.

Base sa kautusan ng DILG, anim na buwan na suspendido si Mayor Sarte ngunit nanindigan na hindi raw siya puwedeng suspendihin sa gitna ng election period at magiging handa lang siya kung may matatanggap na clearance mula sa Commission on Elections.

Ngunit giit ni Alex Roldan, regional director ng DILG-11, na hindi binasa ng alkalde ang buong kautusan na nagsasaad na maaaring isuspinde ang isang public official kahit election period kung nasasangkot ito sa kasong korupsyon.