Aprubado na ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang suspensyon ng Body Mass index requirement para sa promosyon ng mga pulis.
Ito’y kasunod ng rekomendasyon ni PNP Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) Director PMgen. Rolando Hinanay na suspindihin ang Memorandum Circular 2020-029 patungkol dito.
Ito’y sa kadahilanang maraming pulis ang hindi nakasunod sa regular na ehersisyo dahil naging abala ang mga ito bilang frontliners sa laban kontra Covid 19.
Ayon kay Eleazar, sa panahon ng pandemya kailangan may pagmamalasakit at pang-unawa sa situasyon ng mga pulis na naatasang magpatupad ng minimum Public Health standards.
Pero nilinaw ni Eleazar na pansamantala lang ang suspensyon, at ibabalik din ang requirement na wasto dapat ang timbang ng nga pulis para ma-promote, kapag naging normal na ang situasyon.
“Nasa panahon tayo ng pandemya kung saan nangangailangan ng malasakit at pang-unawa sa aming mga tauhan, lalo na ang libu-libo naming personnel na naatasang magpatupad ng minimum public health safety protocol 24 oras,” pahayag ni Eleazar.
Samantala, ayon naman kay DPRM Director MGen. Rolando Hinanay, nagsarado ang mga gym, limitado ang sports activities at nawala ang dalawang beses sa isang linggong Pulisteniks ng PNP.
Kaya naman karamihan sa mga pulis hindi napanatili ang kanilang tamang BMI.
Ang BMI o Body Mass Index ay ang tamang sukat sa katawan base sa kanilang timbang at height na isa sa requirement sa promotion ng mga pulis.
“ Clamour ng maraming personnel na kung pwede ay isuspend muna at pag aralang mabuti siyempre we acknowledge yung purpose kung bakit kailangang magkaroon ng BMI but we are not in an ideal situation right now, may pandemic,” wika ni MGe. Hinanay.
Sinabi pa ni Hinanay na hindi rin naaayon na mag diet ang mga pulis habang may pandemic dahil hihina ang kanilang immune system.