-- Advertisements --

ROXAS CITY – Balik-normal na ang operasyon ng mga commercial establishments at ilang opisina sa Hong Kong kasunod ng pansamantalang pagpapaliban nito dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang inihayag ni Bombo International Correspondent Analyn Caminoy Villarias, tubong Sigma, Capiz at isang Overseas Filipino Worker (OFW) sa naturang bansa sa kaniyang ulat sa Bombo Radyo Roxas.

Ayon kay Villarias, noong nakaraang araw ng Lunes pa ay nagbalik na sa kani-kanilang operasyon ang ilang mga opisina at establisyemento matapos ang halos isang buwang pagpapatupad ng “work from home” dahil sa peligrong dala ng naturang sakit.

Ngunit nananatili pa rin umanong kanselado ang klase sa lahat ng antas sa mga paaralan sa naturang bansa na tatagal pa umano hanggang Abril.

Bumalik naman aniya sa normal ang suplay ng mga pangunahing bilihin ngunit nananatili pa ring mahal ang presyo ng face mask at iba’t ibang hygiene products katulad ng alcohol at sanitizers.