-- Advertisements --

Muling tiniyak ni Department of Health Secretary Ted Herbosa na very minimal o napakaunti ng epekto ng suspensiyon ng foreign aid ng Amerika sa health programs ng Pilipinas.

Sa isang panayam, inamin ng kalihim na kasalukuyang itinigil din ang pagpopondo ng USAID sa mga programa ng bansa para sa HIV at tuberculosis dahil sa suspensiyon ng suporta para sa international aid.

Subalit ipinaliwanag ni Sec. Herbosa na “very minimal” o nakapaliit lamang ng epekto nito dahil bagamat sinusuportahan ng mga ibinibigay na assistance ng Amerika ang ilan sa mga programa ng bansa, hindi na aniya gaanong umaasa o nakadepende ang Pilipinas sa grants mula sa US dahil iniuri na bilang middle-income country ang PH.

Aniya, karamihan sa mga apektado sa pagtigil ng US foreign aid ay ang low-income countries.

Sa katunayan din aniya, nang simulang ipatigil ni Trump ang international aid, sinimulan na umano ng kalihim ang pagbuo ng multilateral arrangements sa ibang middle-income countries.

Tinukoy ng kalihim ang kamakailang mga kolaborasyon sa Pacific island nations at kamakailang partnership ng bansa sa Ministry of Health ng Jamaica para matugunan ang parehong mga public health concerns.

Siniguro din ng kalihim na patuloy pa rin ang kanilang mga serbisyo dahil nakahanda ang pamahalaan na punan ang anumang kakulangan sa pagpopondo.

Sakali man aniya na gawing permanente ang suspensiyon ng foreign aid ng US, nakahanda ang DOH na maghanap ng alternatibong mapagkukunan ng pondo.

Aniya, hindi lamang ang Amerika ang bansa sa mundo dahil maraming ibang bansa tulad ng Australia, Korea at Japan at 194 iba pa kayat madali aniyang makahanap ng bagong partners.

Hindi naman aniya ito ang unang pagkakataon na itinigil ng US ang foreign aid dahil ginawa na rin ito noon sa ilalim ng Trump administration na kalaunan ay ipinagpatuloy din.

Matatandaan na nauna ng sinuspendi ang halos lahat ng foreign assistance program ng Amerika sa loob ng 90 araw habang nakabinbin pa ang komprehensibong pag-aaral sa mga ito sa bisa ng nilagdaang executive order 14169 ni US President Donald Trump.