KALIBO, Aklan — Pinababasura ng isang transport group ang planong pagpapasuspinde ng Senado sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ayon kay Louie Tabios, presidente ng Cooperative Alliance for Modernized Transport Business Industry Operation na isa sila sa mga sumusuporta sa PUVMP at tumalima sa consolidation phase nito.
Iginiit pa ni Tabios na malaki na ang na-invest ng iba’t-ibang grupo ng transportasyon na bumubuo ng 80% ng consolidation rate sa buong bansa sa ilalim ng PUVMP at ang gagawing pagsuspinde dito ay posibleng maka-apekto sa kanilang kikitain.
Dapat na lamang umanong hanapan ng solusyon ang hinaing ng natitirang 20 porsiyento na kumukontra programa.
Mariin umano kinukundina ang pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay sa suspensiyon ng programa.
Dahil dito, kasama sila sa ikinasang unity walk ngayong araw, Agosto 5, upang ipaabot ang kanilang suporta sa modernisasyon.