Iginiit ni Pasig City Mayor Vico Sotto na hindi kailangan pang ipatupad ang class suspension sa mga pampublikong paaralan sa Pasig dahil hindi naman daw mahigpit ang attendance sa online learning.
Ayon sa alkalde, hindi na dapat pang magdeklara ng suspensyon sa mga klase dahil halos lahat ng mga estudyante ngayon ay nag-aaral sa loob ng kanilang mga bahay bunsod ng health crisis.
Hinikayat din ni Mayor Vico ang mga pampribadong paaraln na gumawa ng kanilang sariling patakaran batay sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa.
Kahit umano mawalan pa ng internet connection ang mga mag-aaral ay maaari pa rin silang magpatuloy sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng mga worksheets at preloaded learning materials sa kanilang mga tablets.
Ilang araw na raw kasing dumadaing ang ilang estudyante ng Pasig na hindi umano sila nakakadalo ng kanilang online class o makapag-submit ng kanilang requirements dahil sa mabagal na internet bunsod na rin ng Bagyong Pepito.
Bago pa man magbukas ang school year 2020-2021 ay nakalikom ang lokal na pamahalaan ng Pasig ng P1.2 billion upang gamiting pambili ng laptops, tablets, at iba pang gadgets na ipinamahagi naman sa mga mag-aaral at mga guro ng lungsod.
Para naman sa Department of Education (DepEd) at Department of Interior and Local Government (DILG), nakasalalay pa rin sa lokal na pamahalaan kung magdedeklara ito ng class suspension tuwing may bagyo o kalamidad.