Binigyang diin ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon na malaki ang posibilidad na maapektuhan ang daan-daang libong trabaho matapos ang naging supensyon sa mga reclamation projects.
Sa isang press conference, inisa-isa ni Gadon ang mga benepisyo sa mga mamamayan ng reclamation projects tulad ng Manila waterfront.
Ayon kay Gadon, sa Manila Waterfront pa lamang, 51% ng total reclaimed area na pag-aari ng gobyerno ay maaaring kumita ang pamahalaan ng bilyun-bilyong piso.
Ito aniya ay makatutulong upang tugunan ang kampanya ng gobyerno na labanan ang kahirapan sa bansa.
Nangangahulugan aniya ito na sa kabuuang 318 hectares na reclaimed, 160 hectares dito ay pag-aari ng gobyerno.
Magbibigay din aniya ito ng daan-daang libong trabaho para sa mga Pilipino partikular sa panahon ng reclamation, construction at development works.
Malaki rin aniya ang maitutulong nito sa turismo ng bansa at manlilikha ng mga bagong trabaho sa tourism workers.
Sa kabilang dako, hinimok ni Gadon ang DENR na tukuyin sa lalong madaling panahon ang mga sinasabing paglabag na naging dahilan ng pagkakasuspinde ng reclamation projects kung talagang totoong may violations.
Kung maaalala, aabot sa 15 na mga Reclamation Project sa NCR ang naapektuhan matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na suspendihin ang mga reclamation sa Manila Bay.
Kinumpirma ito ng Department of Environment and Natural Resources at sinabing mayroong kabuuang 22 reclamation projects ang sinuspinde.
15 dito ay mula sa Metro Manila ang ang 7 ay mula sa Region 4-A Calabarzon
Ang direktiba ni PBBM na suspendihin ang mga ito upang masuri kung sila ba ay sumusunod sa environmental regulations.