Posible umanong palawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na suspensyon sa terminasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Estado Unidos.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque sa napipintong pagtatapos ng anim na buwang suspensyon sa revocation o termination process ng VFA.
“That has the option of being further extended by another six months. So my thinking is, perhaps the President will invoke the second six month time to finally abrogate the VFA,” ani Sec. Roque.
Magugunitang nitong Pebrero nang ipag-utos ni Pangulong Duterte ang pagbasura sa VFA.
Buwan ng Hunyo nang pormal na ipabatid ng bansa sa US ang pansamantalang suspensyon ng pagbasura sa VFA pero nakasaad sa ipinadalang diplomatic note na maaring palawigin ang suspensyon ng panibagong anim na buwan.
Inihayag ni Sec. Roque na wala namang pangangailangang magdesisyon agad si Pangulong Duterte kaugnay dito dahil isang taon naman ang panahong ipinabatid ng Pilipinas sa Estados Unidos.