-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kinumpirma ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng South Cotabato na nakapagtala na ang lungsod ng Koronadal ng sustained community transmission bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ang sustained community transmission ay ang patuloy na pagdami ng mga kaso sa isang lugar kung saan hindi alam ng mga pasyente kung saan nila nakuha ang naturang sakit.

Ayon kay IPHO chief Dr. Rogelio Aturdido, batay ito sa isinagawang pag-aaral na isinagawa ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit kung saan tinukoy dito ang tatlong grupo na kinabibilangan ng: party group, fish vendors group, at local hospitals group.

Wala aniyang travel history sa labas ng lalawigan ang mga pasyente o nakasalamuha sa positibong kaso ang mga ito.

Sa kabila ng naturang anunsyo, ipinaliwanag ni Aturdido na ibinunyag ang naturang datos hindi upang magdulot pa ng takot sa mga tao, sa halip gamitin itong batayan upang maging handa at ipaalam ang mga dapat gawin.

Kaugnay nito, kanilang pinapaigting ang panawagan sa mga tao na mahigpit na ipatupad ang basic health protocols at pagsunod sa mga patakaran upang maiwasan ang paglawak pa ng pandemiya sa lungsod at probinsya.

As of September 22, nakapagtala na ang lungsod ng Koronadal ng kabuuang 149 na kaso mula noong Abril kung saan nasa 98 na kabuuang aktibong kaso ang naitala.

Tuluyang nakarekober ang 49 mula sa naturang karamdaman habang dalawa naman ang nasawi.