-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Nasa stable nang kalagayan ang kabuuang 20 katao na dinala sa ospital makaraang bumangga ang pribadong sasakyan sa Ceres bus sa Purok Kapahuan 2, Barangay Sampinit, Bago City, Negros Occidental kanina.

Ayon kay Police Lt. Leonel Adolacion, deputy chief for operations ng Bago City Police Station, pumutok ang gulong ng Montero Sport na papuntang southern Negros kaya’t kinain nito ang linya ng Ceres bus na mula sa Kabankalan City at papuntang Bacolod.

Umiwas pa umano ang bus na minamaneho ni Rolando Sundia ngunit nabangga pa rin ito ng SUV at nahulog sa kanal.

Natanggal din ang gulong ng bus dahil sa lakas ng pagkabangga.

Mula sa 25 mga pasahero ng bus, 19 dito ang dinala sa Bago City Hospital matapos magtamo ng menor na mga sugat ngunit nasa mabuti nang kalagayan ngayon.

Sugatan din ang driver ng SUV na si Ramil Erellanan ng San Mateo Village, Barangay Banago, Bacolod City.

Ayon kay Adolacion, hindi pa matutukoy kung nakainom ng alak ang driver ng Montero Sport.

Tiniyak naman ng Vallacar Transit Incorporated na magbibigay sila ng tulong sa mga biktima para sa kanilang medical expenses.