-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Agad na sinaklolohan ng mga residente ng Barangay Alab sa Bontoc, Mountain Province ang aksidente na kinasangkutan nang pagkahulog sa bangin ng isang SUV.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, papuntang Bontoc ang nasangkot na SUV nang ito ay mahulog sa bangin na 20-feet ang lalim pagkalampas nito sa tunnel sa Sitio Daligdig/Mat-ao, Alab proper, Bontoc, Mountain Province.

Isinugod naman kaagad sa Bontoc General Hospital ang driver na taga-Sabangan, Mountain Province na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang ang sasakyan nito ay nayupi dulot ng insidente.

Masusing naghanap ang mga responders ng iba pang pasahero ng sasakyan pagkatapos na sinabi ng driver na mayroon pa siyang ibang kasama pero sa kalaunan ay napag-alamang mag-isa lang pala nito.

Nagpapasalamat ang Bontoc MPS sa malaking tulong ng buong komunidad ng Alab at ng mga kaakibat na ahensiya sa agarang pagresponde sa mga ganitong insidente.

Kabilang sa mga nagresponde sa lugar ay si Barangay Alab Kapitan Hye Bellang, mga tauhan ng Bontoc Municipal Police Station, Bontoc Bureau of Fire Protection, Provincial Disaster Risk Reduction Management Office at Bontoc Municipal Health Office.

Muling pinapaalalahanan din ng kapulisan at ng lokal na pamahalaan ng Bontoc ang mga motorista na magdoble ingat sa pagmamaneho, masusing siyasatin ang sasakyan bago bumiyahe o iwasang magmaneho kapag puyat o wala sa kondisyon.

Bukod sa insidenteng ito, nananatili namang payapa ang pagdiwang ng Semana Santa sa mga nagdaang araw dito sa munisipyo ng Bontoc.