Nagsagawa ng libreng pagbibigay ng RT-PCR test at blood sampling ang office of the provincial agriculturist sa Pampangga para sa iba’t-ibang uri ng mga ibon dito.
Ito ay bilang isang hakbang na isinasagawa ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na bird flu sa mga alagang ibon sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng pagkuha ng blood at swab sample sa mga ibon gaya ng itik, kalapati, pugo, at marami pang iba ay malalaman kung may dala ba ang mga ito na virus tulad ng bird flu.
Isinasagawa ang naturang testing kada anim na buwan na libreng ipinamimigay sa mga farms na accredited ng Department of Agriculture (DA).
Prayoridad din ng provincial government ang pagsasagawa ng testing sa mga ibon na iba-byahe patungo sa ibang lugar na bibigyan naman ng certificate na nagsasaad ng resulta ng isinagawang swab testing sa mga ibon dito bago mapayagang bumyahe ang mga ito.
Upang mas masiguro pa na magiging malusog ang mga alagang ibon ay pinapayuhan din ng mga kinauukulan ang mga farm owners na bigyan ng electrolites, bitamina, at bakunahan ang mga ito.
Kung maaalala, noong August 11, 2017 kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) ang unang bird flu outbreak sa lalawigan kung saan nasawi ang libu-libong mga manok, pugo, at bibe sa mga commercial poultry farms kabilang na ang mga barangay ng San Carlos, at Santa Rita sa San Luis, Pampanga.