BAGUIO CITY – Umaapela na ng agarang aksiyon sa pamahalaan ng Pilipinas ang isang grupo ng Pinoy workers na nagtatrabaho sa isang kompaniya sa Kabul, Afghanistan na nagbibigay ng logistic support sa US Embassy at may construction project sa US government.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pablo Santos, project manager ng nasabing kompaniya at tubong Naga, Camarines Sur, ito ay dahil delikado na ang kanilang sitwasyon kasabay ng pag-iikot na ng Taliban sa kanilang pinaglikasang lugar.
Aniya, ang dating tinutuluyan nila ay bahay ng isa mga kalaban ng Taliban kaya nagpanic sila at agad silang lumikas sa isang hotel dala-dala lamang ang kanilang laptop at ilang personal na kagamitan nang makontrol na ng Taliban ang Kabul.
Sa ngayon, nagpa-panic aniya ang mga Afghans at nag-aagawan ang mga ito ng biyahe palabas ng Afghanistan bagaman wala pang napapabalitang madugong insidente.
Dinagdaga niya na tigil-operasyon na din ang mga kompanya doon habang nakalockdown ang airport sa Kabul na binuksan lang para sa military flights.
Samantala, pinalagan ni Santos ang requirement ng Philippine government na dapat may swab test o RT-PCR test ang mga ito bago sila masama sa repatration program.
Giit nito, bakunado naman silang walo sa kompaniya nila at walang mga klinika o laboratoryo doon dahil sarado lahat at walang maglalakas ng loob na lumabas at pumunta sa kanilang lokasyon para lamang sa nasabing test.
Dinagdag niya na fully book na umano ang scheduled repatriation sa August 20-23 kaya nalagay ang mga ito sa August 24 na hindi naman aniya sigurado.
Gayunman, binahagi niya na gumagalaw na ang Dubai branch ng kanilang kompanya para sa kanilang mga ticket.
Kasabay nito, inaapela ni Santos ang mabilis na pag-aksyon ng Philippine Embassy na may sakop sa Afghanistan bago pa mahuli ang lahat, kasama na ang pagkonsidera sa mga undocumented Pinoy workers doon.