-- Advertisements --

MANILA – Pinag-aaralan na raw ng pamahalaan ang “swab upon arrival” policy na ipinatutupad ngayon sa mga returning overseas Filipinos (ROFs) na napasok sa lalawigan ng Cebu.

“Iyan ay isa sa kailangan pag-usapan at pinag-uusapan na ngayon dahil ang Office of the President received the recommendations from different government agencies regarding the proposal of Cebu province,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Noong nakaraang buwan nang maglabas ng Executive Order ang Cebu provincial government hinggil sa mandatoryong pagpapa-test ng mga ROFs at overseas Filipino workers (OFWs) pagdating nila ng Mactan-Cebu International Airport.

Sa ilalim ng naturang kautusan, libreng sasagutin ng lokal na pamahalaan ang testing.

Nitong nakaraang linggo naman nang maglabas ng bagong memorandum ang lokal na pamahalaan kung saan dapat na ring i-test sa ikapitong araw ang inbound traveler sa lalawigan.

Sa ilalim ng resolusyon ng Inter-Agency Task Force, inirerekomenda lang ang COVID-19 testing ng inbound travelers sa ikapitong araw mula nang sila ay dumating ng bansa.

“Doon sa ating protocol, kapag ikaw ay OFW ang nagbabayad ng lahat ng gastusin ay OWWA, which is under DOLE. Kapag kayo ay regular na citizen, nagwo-work sa kanilan yung PhilHealth package for testing.”

“Yung iba nagbabayad sila out of their own pockets, lalo na yung mga ROFs, sila ang nagbabayad ng kanilang pagte-test.”

Kung maaalala, inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Health department para siyasatin ang polisiyang ipinapatupad ng Cebu province.

“Baka naman po mayroon tayong pupuwedeng magaya sa Cebu. Bigyan po natin ng pagkakataon na mag-critique ang Department of Health hanggang Huwebes,” ani Presidential spokesperson Harry Roque noong June 1.