Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpapatuloy ang pagprotekta nito sa mga indibidwal na walang kakayahang protektahan ang kanilang sarili, lalo na ang mga minor na kalimitang biktima ng mga pang-aabuso, human trafficking, at sexual exploitation.
Ayon sa DSWD, hindi ito mananahimik sa likod ng mga seryosong alegasyon laban kay Kingdom of Jesus Christ(KOJC) founder Apollo Quiboloy, tulad ng human trafficking, sexual exploitation, at pang-aabuso sa mga minor.
Ayon sa DSWD, ang mga ito ay pangunahin sa mga binabantayang kaso dahil sa malimit na nagiging biktima ang mga bata o mga minor na walang kalaban-laban o hindi nila kayang protektahan ang kanilang sarili.
Ayon pa sa ahensiya, maninindigan ito sa mga kabataan, mga nanay, at mga pamilya na tiyak na naghihirap sa likod ng mga naturang kaso.
Maalalang ang DSWD ang naging katuwang ng Philippine National Police sa pagligtas sa dalawang indibidwal na umano’y matagal nang nasa loob ng KOJC compound at hindi pinapayagang umuwi sa kabila ng pag-aalala ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa ahensiya, nakabantay din ito sa nagpapatuloy na komprontasyon sa pagitan ng mga suporter ng KOJC at PNP sa Davao City.