-- Advertisements --
PMA FIELD INTERGRITY COURAGE

(Update) BAGUIO CITY – Suspendido ang lahat ng swimming classes sa Philippine Military Academy (PMA) kasunod ng insidente ng pagkalunod ng isang plebo ng akademya kahapon.

Una nang kinilala ni PMA Public Information Officer Capt. Cheryl Tindog ang kadete na si Cadet 4th Class Mario Telan Jr. mula sa Alpha Company ng Cadet Corps ng Armed Forces of the Philippines at tubong Divisoria, Enrile, Cagayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Tindog na dumalo si Telan sa swimming class ng mga ito bandang alas-11:00 hanggang alas-12:00 ng tanghali sa swimming pool ng akademya.

Gayunman, napansin na lamang na hindi na ito nakapasok sa sumunod nilang klase.

Hinanap ito ng mga kaklase niya hanggang sa natagpuan na lamang ang katawan ni Telan sa ilalim ng swimming pool na may lalim na 15 talampakan kung saan pinaniniwalaang nalunod ito.

Sinubukan pa ng mga kaklase ni Telan na i-revive ito bago itinakbo sa PMA Station Hospital pero idineklara ng attending physician na dead on arrival.

Sinabi ni Tindog na nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga pulis at ang akademya ukol sa nasabing insidente.

Nauna na ring sinabi ng PNP Baguio na pasado na alas-2:00 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng kadete sa pool.

Inihayag din nito ang pagdadalamhati ng PMA sa nangyari kay Telan kasabay ng paniniguro ng tulong na ibibigay sa tulong ng pumanaw na kadete.

Napag-alamang si Telan ay kaklase ng hazing victim na si late Cadet 4th Class Darwin Dormitorio at ikatlong pumanaw na kadete ng PMA mula noong Setyembre.