TUGUEGARAO CITY – Aminado umano ang dalawang swimming instructor ng nasawing plebo ng Philippine Military Academy (PMA) na si Cadet 4 Mario Telan Jr. na may pagkukulang ang mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng ina ni Mario na si Edna Telan na humingi sa kanila ng kapatawaran ang hindi na pinangalanang instructor subalit ipinauubaya na aniya nila sa PMA ang pagpapanagot sa mga ito.
Gayunman, kuntento naman aniya sila sa pahayag ng akademya na walang foul play at pagkalunod ang ikinamatay ng kadete batay na rin sa nakitang kuha ng CCTV camera.
Kuwento naman ng nakatatandang kapatid na si Alvin na batay sa CCTV na tumatawa pa si Mario sa kanilang swimming lesson subalit hindi na nakaahon pa nang tumalon sa pool na may lalim na 15 talampakan.
Samantala, nagbigay ng financial assistance ang akademya at bukod dito ay pagkakalooban din ng pension ang mga magulang ng namatay na kadete mula sa Brgy. Divisoria, Enrile, Cagayan.