Isang tagumpay para sa International Criminal Court (ICC) ang tuluyang pagkaka-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte, ayon kay Swiss Ambassador to the Philippines, Nicolas Brühl.
Sa panayam sa ambassador, iginiit niyang bagaman ang desisyon ay mula sa gobiyerno ng Pilipinas, maituturing pa rin itong tagumpay ng international court dahil may tyansa na ang korte na litisin ang kaso ng dating pangulo.
Bagaman matatagalan pa kung kailan makikita ang magiging direksyon ng paglilitis, masasabi aniyang gumagana at nagagamit ang international public law.
Sa ganitong konteksto, buo aniya ang suporta ng Switzerland.
Iginiit din ng Swiss ambassador na ang ICC ay isang mahalagang instrumento at ang mga proceeding na isasagawa nito ay isang mahalagang proseso, kaya’t tiyak aniyang babantayan ng Swiss government ang kabuuan ng pagdinig sa kaso ng dating pangulo.
Naniniwala rin si Brühl na ang paggulong ng kaso ng dating pangulo ay magpapatunay kung gaano ka-epektibo ang ICC, lalo na sa pag-depensa o pagprotekta sa karapatang pantao.
Binigyang-diin ng ambassador na buo ang suporta ng Switzerland sa international court, at patuloy nitong imomonitor ang mga isasagawang pagdinig.
Nakatakda sa Setyembre-23 ang confirmation of charges hearing para sa kasong crimes against humanity ni dating Pang. Duterte.