-- Advertisements --

Naitala ng Switzerland ang pinakamasamang snow melt rate mula nang magsimula ang monitoring mahigit isang siglo na ang nakalipas.

Lumabas sa pag-aaral, na isinagawa ng isang ekspertong grupo sa Swiss Academy of Sciences na hindi bababa sa 3 cubic kilometers ng yelo ang nawala sa Alps dahil sa mababang pag-ulan ng niyebe sa taglamig at patuloy na heat waves sa tag-araw.

Nangangahulugan ito na higit sa 6% ng dami ng glacier ang nawala.

Noong nakaraang buwan, isa pang pag-aaral ang nagsiwalat na mula noong unang bahagi ng 1930s, hindi bababa sa 1,400 glacier sa Switzerland ang nawalan ng higit sa kalahati ng kanilang kabuuang dami.

Sa taong ito, napakatindi ang nangyaring pagkatunaw matapos lumitaw sa nasabing lugar ang tinatawa na “bare rock”.

Dahil dito, nagsilabasan din ang mga bangkay at maging ang isang eroplanong nawala sa kabundukan ilang dekada na ang nakalilipas.

Maraming maliliit na glacier ang ganap na naglaho.

Lumabas din sa pag-aaral ng Cryospheric Commission (CC) ng Swiss Academy of Sciences na ang nangyari sa Alps ay isang “perfect storm”.