-- Advertisements --

Naniniwala ang siyam sa 10 pamilyang Pilipino na may miyembrong enrolled sa “blended learning” ang nagsabi na mas mahirap ang nasabing sistema kaysa face-to-face learning.

Batay sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS), lumalabas na 89% ng mga pamilya ang nagsabing mahirap ang kasalukuyang set-up.

Ipinakita rin ng survey na 60% ng mga pamilya na may naka-enroll na school-age members ay naglaan ng mas maraming oras upang gabayan ang mga bata sa blended learning system.

Karaniwan din daw na mga ina ang tumutulong sa aralin ng kanilang mga anak, na nasa 57%.

Sa kabilang dako, anim na porsyento lamang ng mga pamilya ang nagsabing madali ang set-up ngayon, habang tigtatlong porsyento naman sa “somewhat easier now” at “much easier now.”

Habang ang nalalabing limang porsyento ang nagsabing hindi dumali o hindi humirap.

Sa kabila ng banta ng nagpapatuloy na pandemya, nagpatupad ng blended learning setup ang Department of Education (DepEd) para ngayong school year upang matiyak na tuloy lamang ang edukasyon ng mga bata sa gitna ng health crisis.

“It is called ‘blended’ because schools can offer a mix of two or more learning modalities to one student. This is in contrast to the largely traditional face-to-face learning system implemented in pre-COVID-19 times,” saad ng SWS.

Natuklasan din ng ahensya na ang mga nagsabi na mas mahirap ang setup ngayon ay nasa Visayas (92%); na sinundan ng Metro Manila (90%); Mindanao (88%); at Balance Luzon (87%).

“Furthermore, the percentage of families who say the system is ‘much more difficult now’ is higher in the Visayas (63 percent), Balance Luzon (63 percent), and Mindanao (61 percent) compared in Metro Manila (53 percent),” anang ahensya.

“By type of locale, slightly more families in rural areas than in urban areas say it is more difficult now,” dagdag nito.

Nakasaad din sa report na ang bilang ng mga pamilyang nagsabi na mas mahirap ang setup ngayon ay mas mataas sa mga household heads na hanggang junior high school education lamang o mas mababa pa ang natapos (67-69%) kumpara sa mga mas mataas ang pinag-aralan (54-57%).