MANILA – Maglulunsad ng “symbolic vaccine rollout” ang pamahalaan sa June 7, Lunes, para sa ilang indibidwal na pasok sa A4 priority group.
Ito ang inamin ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr., kasabay ng inaasahang pagsisimula ng pagbabakuna sa hanay ng mga manggagawa ngayong buwan.
Bukod sa national government, maglulunsad din daw ng symbolic vaccine rollout ang ilang local government units para sa ilang frontline economic at government workers.
“Ito talaga yung inaantay ng mga LGUs considering that we have to protect our economic and government workers. Nakikita na ito ay humigit kumulang 12 million population and they are rearing and very eager to be vaccinated,” ani Galvez sa panayam ng ANC.
Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na ang symbolic vaccine rollout sa Lunes, ay hindi pa hudyat ng opisyal na rollout ng mga bakuna sa A4 priority group.
Ayon sa opisyal, magsisimula lang ang maramihang pagbabakuna sa mga manggagawa kapag dumating na ang malaking bulto ng COVID-19 vaccines mula sa COVAX facility ngayong buwan.
Mayroon daw kasing 5-milyong doses ng bakuna na galing sa COVAX Facility ang dadating sa June 15, at 2-milyong doses ng Sinovac vaccine.
Noong nakaraang linggo nang aprubahan ng Inter-Agency Task Force ang mas malawak na coverage ng A4 priority group.
Kung saan pasok ang lahat ng manggagawa, maliban sa mga naka-work from home.
Pero paliwanag ni Galvez, dahil limitado pa rin ang supply ng bakuna sa bansa, ang magiging priority sa pagbabakuna ay ang mga A4 na edad 40-years old pataas.
“Nung nagkaroon kami ng meeting, napagkasunduan na dalawa (ang classification sa A4) 40 and up tapos 39 and below.”
Batay sa tala ng National Economic and Development Authority, aabot sa 35.5-milyong manggagawa ang sakop ng A4 priority group.