-- Advertisements --

Ineskortan ng rebeldeng grupo na Hayat Tahrir al-Sham (HTS) si Syrian Prime Minister Mohammed Ghazi Jalali palabas ng opisina patungo sa isang hotel sa Damascus para sa paglilipat ng authority.

Ito ay matapos na mapasok ng rebeldeng grupo ang presidential palace at napatalsik si Syrian President Bashar al Assad na tumakas kasama ang kaniyang pamilya at humingi ng asylum sa kaalyado nitong Russia.

Sa isang video statement ng Syrian PM nitong linggo, sinabi niyang nakahanda siyang ipasakamay ang gobyerno sa sinumang bagong lider sa mapayapang transition matapos ideklara ng rebeldeng grupo na nakubkob at nakontrol na nila ang kabisera ng Damascus at napatalsik si President al Assad.

Samantala, sa panig naman ng rebeldeng grupo, sinabi nito na patuloy nilang tinatrabaho ang pagkumpleto sa paglilipat ng kapangyarihan sa Syria tungo sa isang transitional governing body na may full executive powers.

Una naman ng nagbunyi ang rebeldeng grupo at mamamayan ng Syria matapos ang pagpapatalsik sa pwesto sa rehimen ng pamilya Assad. Sa Damascus at ibang mga siyudad, nagbunyi ang mga tao habang iwinawagayway ang kanilang bandila at inaawit ang slogan of freedom bilang pagmarka sa inaasam ng karamihan na panimula ng bagong kabanata sa war-torn country.