Nangako si Syrian rebel leader Abu Mohammed al-Jolani na ipapasara niya ang notorious na bilangguang pinatakbo ng pinatalsik na presidente na si Bashar al-Assad at tutugisin ang mga sangkot sa pagpatay o torture sa mga bilanggo.
Aniya, kaniyang bubuwagin ang security forces ng dating rehimen.
Sa kumalat na video matapos mag-collapse ang Assad government noong Linggo, makikita ang pagpapakawala ng libu-libong mga preso mula sa Sydnaya prison na tinawag bilang human slaughterhouse ng human rights groups.
Nasa halos 60,000 katao ang tinorture at pinatay sa mga piitan na pinatakbo ni Assad ayon sa UK-based monitoring group na Syrian Observatory for Human Rights.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Jolani na ang pardon para sa mga nakibahagi sa pag-torture o pagpatay sa mga preso ay “out of the question”.
Aniya, kanilang tutugisin ang mga ito sa Syria at hihilingin din sa mga bansa na i-turn over ang mga tumakas para makamit ang hustisiya.