-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Hawak na ng mga otoridad ang isang foreign national matapos umano nitong suntukin ang isang barangay kapitan sa gitna ng checkpoint sa Barangay Binulho, Javier, Leyte.

Nakilala ang suspek na si Muhammad Talhagen Amad, 34-anyos na nakatira sa naturang lugar.

Ayon kay P/Capt. Ruben Recilla, hepe ng Javier Police Station, batay sa kanilang imbestigasyon ay nasa sasakyan ang Syrian kasama ang pamilya nito nang pinahinto ito sa checkpoint sa barangay.

Nang hingian naman ito ng quarantine pass ay sumagot lamang ito na hindi na niya kailangan at mabilis na umalis.

Nang makuha pang bumalik, mismong ang barangay kapitan na ang sumita sa dayuhan pero nagmatigas pa ito at sinuntok ang opisyal.

Kaagad namang nagpa-blotter ang punong barangay at nagsampa ng kaso laban sa banyaga.