Posible na mauwi sa negotiated bidding ang sistemang gagamitin para sa kauna-unahang internet voting ng Overseas Filipinos para sa 2025 midterm elections.
Ito’y matapos na walang bumili ng Bid documents sa ikalawang bid conference ngayong araw para sa online voting and counting system na gagamitin sa overseas voting.
Dumalo naman ang ilang kinatawan ng mga kumpanya ngunit walang nagpakita ng interes na bumili ng naturang bid documents.
Kung maalala, noong nakaraang buwan ng Pebrero ay ideneklara ng Commission on Elections na failure ang unang bidding matapos ideklarang ‘ineligible to bid’ ang dalawang bidder.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Dir. Allen Abaya, Head ng Special Bids and Awards Committee, hanggang Marso 21 na lamang ang deadline para sa mga interesadong kumpanya para bumili ng bid documents.
Aabot naman sa P465.8 milyon ang inilaang pondo ng Comelec para sa system na gagamitin sa kauna-unahang internet voting ng Overseas Filipinos para sa 2025 midterm elections.