LA UNION – Patuloy pa ring nananawagan ang PNP sa publiko na makipag-ugnayan sa security forces para sa kaligtasan ng mga atleta at viewers ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay PRO-1 regional director BGen. Joel Orduña, dapat alam ng bawat isa ang mga ipinapatupad na alituntunin, mga do’s and don’ts, para maging maayos ang isasagawang kompetisyon.
Si Gen. Orduña ang head sa binuong Task Group La Union para sa SEA Games habang ang mga deputy task group commanders ay kinabibilangan nina Colonel Ysmael Yu para sa on-ground security and public safety; Commodore Caesar Bernard Valencia ng Naval Forces Northern Luzon (NFNL) para sa water security and safety; at Office of the Civil Defense (OCD) Regional Director Melchito Castro na nakatutok sa emergency preparedness and response.
Dagdag pa ng opisyal na isang sistematiko na seguridad ang ipinapatupad ng mga naka-deploy na otoridad sa iba’t ibang bahagi ng bayan sa San Juan na tinaguriang “surfing capital of the north.”
Maliban sa pitong surfers na kakatawan sa Pilipinas, mayroon pang 40 athletes mula sa iba’t ibang bansa sa South East Asia ang makikibahagi sa surfing competition ng 30th SEA Games.