“All systems go” na para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Rodrigo Duterte bukas, Lunes, April 23,2018.
Nasa 6,000 na mga pulis ang idedeploy ng PNP sa vicinity ng Batasang pambansa Complex sa Quezon City.
Ayon kay PNP chief PDGen. Oscar Albayalde nakalatag na ang security measures na ipapatupad bukas.
Sinabi ni Albayalde, kanilang idedeploy ang kanilang pwersa isang araw o mamayang gabi bago ang araw ng SONA bukas.
Tinatayang nasa 7,000-10,000 na mga rallyista ang inaasahang lalahok sa kilos protesta , ito ay batay sa datos nuong nakaraang taon.
Sa ngayon wala pang estimate ang PNP kung ilan ang lalahok sa kilos protesta bukas.
Siniguro naman ng PNP na mahigpit nilang ipapatupad ang maximum tolerance sa mga rallyista ng sa gayon maiwasan ang girian.
Makakatuwang ng mga pulis sa pagbibigay seguridad ang mga tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), PNP Special Action Force (SAF), Bureau of Fire Protection (BFP), BJMP at iba pang mga force multipliers mula sa mga barangays at iba pang stakeholders.
Umapela naman si Albayalde sa mga organizers na magsasagawa ng kilos protesta na bantayan ang sarili nilang mga miyembro, ito ay para maiwasan na may makapasok na infiltrators na posibleng pagmulan ng kaguluhan.
Aminado si Albayalde na minsan ay mayroon talagang mga indibidwal na nais manggulo.
Dagdag pa ni PNP chief na wala naman ng dahilan pa ang mga rallyista na mag initiate ng gulo dahil halos lahat ng kanilang demand ay pinagbigyan.
Kabilang dito ang hindi na paggamit ng mga barbed wires at container vans para harangan ang mga rallyista.
Samantala, wala na umanong balak si Pang. Rodrigo Duterte na harapin ang mga rallyista.
Pero sakaling gagawin ito ng Pangulo, nakalatag na rin ang kanilang security measures ukol dito.