Malaking tulong sa surface strike capabilities ng Philippine Air Force (PAF) ang pagdating ng dalawa sa anim na bagong biling T-129 Atak helicopters.
Ito ang binigyang-diin ni PAF Spokesperson Col. Maynard Mariano.
Sinabi ni Mariano, dumating kaninang madaling araw, March 9,2022 ang dalawang units ng T-129 ATAK helicopters sakay sa dalawang A400M ng Turkish Air Force mula sa bansang Turkey na lumapag sa Clark Air Base, Mabalacat City, Pampanga.
Nasa kabuuang anim na units ng T-129 aircraft ang binili ng PAF bilang bahagi ng AFP Modernization Plan – Horizon 2.
Hindi naman masabi ni Mariano kung kailan idi-deliver ang apat pang unit ng nasabing aircraft.
Ang 15th Strike Wing ng PAF ang siyang mag-operate sa T-129 helicopters na gagamitin bilang Close Air Support sa mga ground troops and armed surveillance and reconnaissance.
Ang T-129 ay dedicated attack helicopter gaya ng AH-1S Cobra na galing sa bansang Jordan.
Ang bagong system na ito ay siyang mag complement sa iba pang surface strike systems ng Air Force na siyang magiging game changer sa mga misyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Binigyang-diin ni Mariano na ang T-129 Atak helicopter ay mas moderno kumpara sa iba pang attack helicopters na mayruon ang PAF.
Nilinaw din ni Mariano na sasailalim pa sa test flights ang bagong dating na aircraft bago gagawin ang acceptance ceremony na posibleng aabot pa sa isang buwan.
Ang anim na T-129 attack helicopters ay nagkakahalaga ng PHP12.9 billion na binili mula sa Turkish Aerospace Industries sa pamamagitan ng government-to-government mode of procurement sa ilalim ng Republic Act 9184.
Ang T-129 atak helicopter ay twin-engine, tandem seat, multi-role at all-weather attack helicopter.