-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Itinuturing na mga batang bayani ang magkaibigan na namatay sa car accident matapos maghatid ng tulong sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Teacher Tina, dating guro ni Rio Jhon Abel ng Mabini, likas aniya itong makulit pero matulunging bata kung saan mas pinili na maghatid ng relief goods sa mga evacuee sa dis oras ng gabi kaysa manatili sa kanilang bahay na walang ginagawa.

Dagdag pa ni Teacher Tina na kasabay ng pagdadalamhati ng pamilya at mga kaibigan ng binata, ay labis din siyang nalulungkot dahil parang sariling anak na nito si Rio John.

Umani ng mga papuri si Rio at Maximono Alcantara 111 ng San Jose, Batangas, dahil sa kabutihang loob na tumulong sa mga nangangailangan.

Naganap ang aksidente nitong Lunes, January 13, sa Banay-banay, Lipa, Batangas.

Ito’y matapos mabangga ng malaking truck ang sinasakyan ng dalawang binatilyo habang pauwi na sana matapos maghatid ng relief goods.

Nakatawag pa umano si Rio Jhon sa pamilya at humingi ng tulong bago tuluyang bawian ng buhay.