-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Mistulang kalmado umano ang aktibidad ng Bulkang Taal sa bahagi ng Agoncillo, Batangas sa mga nakalipas na oras.

Sa kabila nito, hindi ibinababa ng mga residente ang alerto sa mga posible pang aktibidad ng bulkan.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Agoncillo Mayor Daniel Reyes, pumalo na sa 653 pamilya o 2, 250 indibidwal ang inilikas mula sa Brgy. Banyaga at Bilibinwang.

Nasa coastal area ng Taal Lake at pasok sa 7-kilometer Permanent Danger Zone ang dalawang barangay.

Pansamantalang makikituloy ang mga ito sa halos 200 classrooms na binuksan, dahil hindi makakabalik sa kanilang mga tahanan habang nasa Alert Level 3 o magmatic unrest ang Taal.

Bilang pagsunod sa health protocols, magkakapamilya ang magkakasama sa bawat classroom.

Habang nasa evacuation center, tiniyak naman ni Reyes ang tulong ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.

May grupo ring namamahala sa pagpapakain at pag-aalaga ng mga hayop na naiwan ng mga lumikas.