-- Advertisements --
Taal evacuees batangas 4

Todo apela ang mayor ng bayan ng Taal sa Batangas sa kanyang mga kababayan na nagpipilit pa ring bumalik sa kanilang mga tahanan kahit naka-lockdown na ang kanilang lugar.

Idinaan ni Mayor Fulgencio Mercado ang kanyang panawagan sa pamamagitan ng Bombo Radyo at Star FM.

Ayon kay Mercado naiintindihan naman niya ang mga residente na naghahangad ng comfort ng kanilang tahanan at dahil din sa mga naiwang alagang hayop at kagamitan.

Pero pinakiusapan ni Mayor Mercado ang mga ito na sana alisin muna sa isipan ng mga lumikas ang komportableng buhay para maging ligtas ang lahat at walang casualties.

“Sa mga kababayan ko na tiga-Taal na gusto nyo pa sa comfort of home niyo ay alisin niyo na po yon,” ani Mayor Mercado.

Taal Mayor fulgencio batangas

Ang bayan ng Taal ay boundary ng 14 kilometers na inilagay sa danger zone ng Phivolcs.

Tinaya naman ng alkalde na nasa 97 porsyento na ng mga residente o umaabot sa 14,000 ang kanilang inilakas na nasa iba’t ibang mga evacuation centers ngayon.

Kasabay nito, nanawagan din ang alkalde na welcome sa kanilang lugar ang sinumang nagnanais na magpaabot ng tulong para sa mga evacuees.

Kung tutusin ayon kay Mercado, malayo naman daw sila sa mga pyroclastic ballistics na magmumula sa Taal volcano pero ang pinangangambahan daw nila ay ang assessment ng Phivolcs na aabutin sila kung magkaroon ng bay surge na posibleng manalasa at taglay ang bilis na 60 kilometers per hour.

Samantala, kahit makapal ang abo na bumuhos sa bayan ng Taal wala naman idinulot ito na pinsala sa Taal Basilica o ang Minor Basilica of Saint Martin of Tours na kinikilala bilang pinakamalaking simbahan sa Pilipinas at sa buong Asya.

Taal Basilica St Martin of Tours batangas
Minor Basilica of Saint Martin of Tours in Taal, Batangas