Muling nakapagtala ng dalawang mahinang phreatic o steam-driven eruption sa Taal Main Crater.
Na-monitor ito bandang alas-2:31 PM at alas-2:39 PM, at tumagal ng isang minuto bawat isa batay sa mga record ng visual, seismic, at infrasound ng Taal Volcano Network (TVN).
Itong mga pangyayari ay nagresulta sa paglabas ng usok na umabot ng 800 metro mula sa Main Crater bago ito ipinadpad sa timugang direksyon ng lalawigan ng Batangas.
Ang paglabas ng sulfur dioxide (SO2) ay umabot sa 6,571 tonelada kada araw.
Gayunpaman, ang average na emissions mula Enero ng taong ito ay nananatiling mataas sa 7,895 tonelada kada araw.
Ang mahinang phreatic activity ay dulot ng patuloy na paglabas ng mainit na volcanic gases sa Taal Main Crater at maaaring masundan pa ng mga katulad na pangyayari.
Sa kabila nito, ang background levels ng volcanic earthquake activity at ground deformation na natukoy sa Taal ay nagpapahiwatig na malabong humantong sa malakas na pagsabog ang sitwasyon sa bulkan.