Nananatiling kalmado ang Taal volcano sa kabila ng pagkabalot nito ng makapal na volcanic smog.
Batay sa inilabas na report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology(Phivolcs) ngayong araw, Aug. 19, walang na-detect na volcanic earthquake na dulot ng naturang bulkan mula pa kahapon.
Gayunpaman, nakitaan ito ng hanggang 3,355 tonelada ng asupre na ibinuga sa nakalipas na araw, kasama na ang upwelling activities palabas sa bunganga ng bulkan.
Nakitaan din ito ng 2,400 metro na taas ng usok mula sa bunganga patungong hilaga-hilagang kanluran.
Sa kasalukuyan, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Permanent Danger Zone(PDZ) na idineklara sa palibot ng bulkan, maging ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid tapat ng bulkan.
Ngayong araw ay nagsuspinde na ng face-to-face classes ang ilang mga lokal na pamahalaan na nasa palibot ng bulkan dahil sa makapal na volcanic smog dulot ng bulkang Taal.