Maaaring madelay hanggang sa katapusan ng Abril o kalagitnaan ng Mayo ang panukalang taas pasahe sa MRT3.
Matatandaan na noong Disyembre 2023, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na inaasahan niyang maaprubahan ang kanilang petisyon sa unang bahagi ng Marso.
Ngunit sa paglulunsad ng MRT-3 Love Train, sinabi niyang kasalukuyang sinusuri pa ng DOTr ang kanilang kahilingan.
Ang pamunuan ng MRT-3 ay humihiling ng karagdagang P2.29 para sa boarding fee at P0.21 na dagdag kada kilometro.
Kung maaprubahan, ang minimum na pamasahe ay tataas sa P16 mula sa kasalukuyang P13 habang ang end-to-end na biyahe mula North Avenue station hanggang Taft Avenue station ay tataas sa P34 mula sa kasalukuyang P28.
Sinabi ni Aquino na ang pagtaas ng pamasahe ay magtitiyak sa maayos na operasyon at regular na pagpapanatili ng sistema ng tren ng MRT-3.
Ngunit iginiit niya na mas mura pa rin ang adjusted fare para sa riding public kumpara sa aircon buses.