Magiging Php 6,500 na ang dating Php 6,000 na minimum wage ng mga kasambahay sa National Capital Region (NCR) matapos maglabas ng wage order ang NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Makararamdam din ng taas-sahod ang mga kasambahay sa rehiyon ng CARAGA matapos mag-isyu ng Wage Order No. RXIII-18 ang RTWPB ng naturang rehiyon na gagawing 370 pesos kada araw ang pasahod.
Sa Mayo 2024 naman ang nakatakdang second tranche kung saan magtataas muli ng kinse pesos ang sahod ng mga kasambahay sa CARAGA.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ito ay magsisimula na sa Enero ng panibagong taon.
Dagdag pa ng ahensiya, makikinabang ang 256,476 na domestic workers sa pagtaas ng minimum wage kung saan 146,202 sa mga ito ay nasa live-in arrangement.
Ani Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang mga ito ay minimum salary lamang at pwedeng dagdagan ng mga employer lalo na kung makita nila itong magaling at may malasakit.
(Photo courtesy of Philippine Official Gazette)