Maghigpit pa lalo ng sinturon dahil sasabay rin sa dagdag presyo ang singil sa kuryente ngayong buwan.
Ito ay sa gitna ng walang humpay na taas-singil sa presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang mga pangunahing bilihin sa merkado.
Sa inilabas na pahayag ng Meralco, nasa P0.0625 kada kilowatt-hour ang magiging dagdag sa singil sa kuryente kung saan aabot sa P9.65 kada kilowatt-hour ang magiging billing ngayong Marso mula sa dating P9.58 kada kilowatt-hour noong nakaraang buwan.
Paliwanag ng Meralco, nagmahal na raw kasi ang bili nila ng kuryente sa kanilang mga suppliers dahil sa walang tigil na pagsipa ng presyo sa krudo dahilan nang pagtaas sa generation charge.
Dagdag pa ng kumpanya, dapat ay mas mataas pa ang magiging taripa sa kuryente, pero nang dahil sa ipinag-utos na P4.8 billion na refund ng Energy Regulatory Commission (ERC) para sa mga customers nito ay nabawasan pa ito.
Ibig sabihin ay makakatanggap ng may katumbas na P0.1923 na refund kada kWh ang mga residential subscriber ng naturang utility company.