-- Advertisements --

Ngayon pa lamang ay inabisuhan na ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines Inc. – Wholesale Electricity Spot Market ang publiko hinggil sa posibleng pagpapatupad ng taas singil sa kuryente sa buwan ng Mayo ng taon ito.

Nabatid na ang Electricity Market Operator of the Philippines Inc. – Wholesale Electricity Spot Market ang pinagkukunan ng supply ng kuryente ng Meralco na siya namang nagbebenta ng kuryente sa buong Metro Manila at mga kalapit nitong lalawigan.

Sa isang pahayag ay sinabi ni Engr. Isidro Cacho Jr., Vice President for Trading Operations, EIMOP, posibleng umabot sa anim na piso ang itataas sa singil sa kuryente para sa buwan ng Mayo.

Ayon kay Cacho, ang buwan ng Mayo ay peak ng demand sa kuryente dahil na rin sa nararanasang init ng panahon.

Kung maaalala, noong nakalipas na taon sa kasagsagan ng El Niño ay tumaas ng ₱8 kada kilowatt hour ang singil sa kuryente.