Inanunsyo ng Social Security System (SSS) ang contribution hike para sa mga miyembro nito na magsisimula na ngayong buwan ng Enero 2025.
Ayon kay SSS Acting Head Carlo Villacorta, Ang rate ng kontribusyon ay tataas ng 15% mula sa dating 14% ito’y bilang bahagi ng mga hakbang ng ahensya na palakasin ang pondo ng pensiyon na pinapatakbo ng gobyerno.
Ang pagbabago ay makakaapekto hindi lamang sa mga employer at empleyado, kundi pati na rin sa mga kasambahay, mga self-employed, mga boluntaryong miyembro at mga land-based na Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa ilalim ng bagong sistema, magkakaroon ng pagbabago sa Monthly Salary Credits (MSC) ng mga manggagawa at employer sa pribadong sektor, na nagtatakda kung magkano ang kanilang kontribusyon sa SSS.
Halimbawa rito ang mga employer at empleyado, self-employed, mga boluntaryo, at iyong spouse members na hindi nagtatrabaho kung saan ang MSC ay tataas sa P5,000 na may maximum na P20,000.
Habang ang mga kasambahay ay may MSC na P1,000 na may maximum na P20,000. Sa land base OFW member naman ay mayMSC na P8,000 na may maximum rin na P20,000.
Paliwanag ni Villacorta ang pagtaas ng singil sa contribution ay upang tugunan ang maaaring pagbaba ng pondo ng ahensya at para mapataas ang financial fund nito na maaaring magtagal pa umano hanggang sa taong 2053 dahil sa kasalukuyan nagbibigay ang SSS ng mga benepisyo sa higit sa 13 milyong mga manggagawa sa bansa.
Nilinaw ng SSS na ang karamihang empleyado na kumikita ng hindi hihigit sa P25,000 bawat buwan, hindi maaapektuhan ang kanilang take-home pay, dahil ang mga employer ang sasagot ng pagtaas ng kontribusyon.
Gayunpaman, ang mga negosyo ay makakaranas ng karagdagang gastos sa operasyon, na magiging hamon para sa mga maliliit na negosyo.