Asahan ng mga konsyumer ng tubig partikular na sa Metro Manila ang mas mataas na singil simula ngayong Enero 2025 kasabay ng pagpapatupad ng concessionaires ng ikatlong bahagi ng 5-year staggered rate adjustment.
Simula ngayong Enero, nakatakdang magtaas ng P2.12 per cubic meter para sa Maynilad at P3.25 per cubic meter naman para sa Manila Water.
Subalit hindi pa nakasama dito ang computation para sa inflation kayat ito ang datos na iprepresenta sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) board para sa approval.
Ipinaliwanag ng Maynilad na ang umento sa singil sa tubig ay gagamitin para pondohan ang iba pang mga nakahanay na proyekto ngayong 2025 at para mabayaran ang kanilang pagkakautang sa pagkumpleto ng mga nakalipas na proyekto.
Habang sa panig naman ng Manila Water, sinabi ng kompaniya na mahalaga para sa kanila na makuha ang ikatlong tranche ng rate hike para maipagpatuloy ang pagpapahusay pa ng kanilang mga serbisyo.