-- Advertisements --

Lumulutang ngayon ang iilang mga pangalan ng mga basketball coach na posibleng italaga bilang head mentor ng men’s basketball team ng Pilipinas.

Ito’y matapos na magbitiw kahapon bilang head coach ng Gilas Pilipinas si Yeng Guiao matapos ang matamlay na kampanya ng mga Pinoy sa 2019 FIBA World Cup sa China.

Ilan sa mga napipisil na pumalit kay Guiao ay sina Ateneo coach Tab Baldwin at Barangay Ginebra coach Tim Cone, na dati na ring hinawakan ang national team.

Matatandaang pinangunahan ni Cone ang koponan ng Pilipinas, na binansagang Centennial Team noong 1998 Asian Games kung saan nakasungkit sila ng bronze medal.

Si Baldwin naman ang humawak ng team sa paglahok nito sa 2015 Fiba Asia Championship kung saan nagtapos bilang runner-up ang Gilas.

Bagama’t hindi pa nagbibigay ng pangalan ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), inaasahang anumang araw mula ngayon ay magtatalaga na sila ng bagong head coach.

Malapit na rin kasi ang deadline ng pagpapasa ng mga pangalan ng mga players na lalahok sa 30th Southeast Asian Games.

Samantala, sa naunang panayam ng Bombo Radyo sa sports columnist na si Homer Sayson, sinabi nito na dapat ay bigyan pa ng kapangyarihan ang magiging head coach na makapamili nang malaya sa mga nais nitong players.

“I think before we even consider hiring another coach, we have to make sure na ‘yung coach ay may freedom siya na ‘itong gusto ko, itong piliin ko’ because right now as presently constituted, I’m sorry to say it’s not world class,” ani Sayson.