LEGAZPI CITY – Tuloy na tuloy na ang pagsisimula ng Tabak Festival sa tinaguriang “City of Love” sa Albay mula sa Hunyo 22 hanggang 25 sa kabila ng coronavirus pandemic.
Pagtitiyak ni Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, safe naman umano ang magiging pagdiriwang dahil pawang virtual activities ang nakalinya.
Kaaaliwan ng buong pamilya at magbibigay kasiyahan umano ang mga kakaibang aktibidad ngayong taon kahit nasa bahay lamang.
Online ang magiging submission ng mga nais na lumahok sa iba’t ibang kompetisyon kabilang na ang Tabak Mobile Legends Online Tournament, tagisan ng talento sa sining sa Pinta Pandemya, photography contest, short film competition, quarandanz showdown, hugot talks sa spoken word poetry contest.
Libre rin na maki-sing-along sa online concert sa bawat araw ng mga local artists at makisaya sa Family Tiktok Challenge at Pet Costume Virtual Competition.
Dahil patok ang urban gardening, bibigyang-pagkilala at kaukulang premyo ang mga may pinakamagagandang taniman.
Hindi rin makakaligtaan ang mahalagang tema ng okasyon na pagpapasalamat sa mga biyaya sa lungsod sa pamamagitan ng online misa.