Inilunsad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., katuwang ang Kamara sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Social Welfare Sec. Rex Gatchalian, ang Tabang Bikol, Tindog Oragon relief initiative kung saan halos P750 milyong halaga ng financial assistance at 24 na trak na puno ng relief goods ang ipamimigay sa mahigit 150,000 benepisyaryo sa Bicol region na sinalanta ng magkakasunod na bagyo, at ang huli ay ang super typhoon Pepito.
Ang programa kung saan si Speaker Romualdez ang pangunahing tagapagtayugod, ay naglalayong suportahan ang mga nasalantang komunidad sa Camarines Norte, Camarines Sur at Albay upang agad na makabangon mula sa hagupit ng bagyong Kristine, Carina, at Pepito.
Ayon kay Speaker Romualdez ito ang direktiba ni Pangulong Marcos, na tulungan ang mga nasalanta ng bagyo sa Bicol.
Ang pagtulong ay nahahati sa tatlong pangunahing aktibidad: ang pamimigay ng financial assistance, pagsasagawa ng mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), at ang distribusyon ng mga relief goods.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada ang inisyatiba ay sinusugan din ni House Appropriations Committee Chairman Zaldy Co – na nagmula sa Bicol at kumakatawan sa pangako ng Kamara na isang “holistic and sustainable recovery” na tutugon hindi lamang sa kasalukuyang pangangailangan.
Sinabi ni Gabonada na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pamamahagi ng financial aid sa ilalim ng Assistance for Individuals in Crisis Situations (AICS) program nito simula sa Nobyembre 18.
Ang mini-BPSF ay ilulungsad naman sa Nobyembre 21 at magbibigay ng iba’t ibang serbisyo mula sa mga ahensya ng gobyerno, ayon kay Gabonada.
Ayon kay Gabonada ang mga aktibidad ay magkakasabay na isasagawa sa iba’t ibang lugar kasama ang Jessie Robredo Coliseum sa Naga City, Ka-Fuerte Sports Complex sa Pili, at BUPC Gymnasium sa Polangui. Inaasahan na tig-10,000 ang benepisyaryo sa bawat lokasyon.
Iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na sabayan ang pamimigay ng financial assistance ng serbisyong ibinibigay ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang mas maging mabilis ang pagbangon ng mga nasalanta.
Isang mahalagang aspeto ng inisyatiba ay ang pamiimigay ng mga relief goods na tinipon mula sa mga donation drive, ayon kay Speaker Romualdez.
Ang mga relief goods ay ikinarga sa mga trak at aalis sa Lines, Nobyembre 18, mula sa Kamara de Representantes.
Kasama sa mga donasyong ipadadala sa mga nasalanta ay sako-sakong bigas, at produktong de lata mula sa iba’t ibang grupo gaya ng Tingog Party-list, PHILRECA, National Irrigation Administration (NIA), at mula sa pribadong sektor.
Sa Nobyembre 21 ay isasagawa ang ceremonial turnover ng mga relief goods sa mini-BPSF event sa Naga City, Pili, at Polangui. Ang pagsasamang ito ay isang pagpapalakas ng mensahe ng pagkakaisa at pagiging matatag sa mga apektadong lugar.
Ang mga benepisyaryo ng programang ito ay mga pamilya na nasalanta ng mga nagdaang bagyo, karamihan ay nawalan ng tahanan at kabuhayan.