TUGUEGARAO CITY-Idineklara na ang dengue outbreak sa Tabuk City, Kalinga at iminungkahi na ring ideklara ang state of calamity kasunod ng mabilis na pagdami ng kaso ng dengue sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Jandel Taguiam ng City Health Office na magiging batayan ng Sangguniang Panlungsod sa posibleng pagdedeklara ng state of calamity ang ipinasang resolusyon na inaprubahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) sa deklarasyon ng dengue outbreak.
Layon nitong makuha ang quick response fund ng lungsod upang magpatupad ng mga hakbang sa paglaban sa pagkalat pa ng sakit tulad ng fogging at pag-spray.
Sa susunod na Linggo ay magsasagawa ang CHO ng blood-letting activity habang hiniling na rin nila ang tulong ng Cagayan Calley Medical Center upang matiyak ang sapat na suplay ng dugo para sa mga pasyente.
Batay sa datos mula Enero hanggang Agosto a-singko, naitala ang 1,149% na pagtaas ng mga kaso ng dengue ngayong taon na may 762 na kaso na karamihan ay edad 10-pababa.
Sa naturang bilang, sinabi ni Taguiam na may 167 suspected at probable cases ang kasalukuyang naka-admit sa mga pampubliko at pribadong ospital sa lungsod kung saan 3 ang nasawi.
Kabilang sa mga barangay na may mataas na kaso ng dengue ay ang Bulanao Centro, Bulanao Norte, Agbannawag at Lacnog.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagdami ng mga tinamaan ng sakit na dengue ay ang nararanasang mga pag-ulan sa lugar kung kaya iminungkahi ang paglilinis ng bahay at huwag hayaang magtambak ng tubig o bagay na puwedeng pamugaran ng itlog ng lamok.
Iminungkahi rin ni Taguiam ang pagsusuot ng mahabang damit lalo na sa tanghali at pagpapahid ng calamansi sa balat bilang pinakamura ngunit mabisang paraan upang hindi makagat ng lamok na may dalang dengue virus.