KORONADAL CITY – Naka-half-mast sa ngayon ang bandila ng Pilipinas ng Tacurong CPS upang ipakita ang pagluluksa at pagkondina sa pagpatay kay PEMS Agusto Braganza, 53, na binaril-patay ng mga ‘di pa nakikilalang mga salarin sa Barangay Road, Purok Summer Snow, Barangay Baras, Tacurong City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PSMS Ricardo Bryan Villagracia III, Investigation Section-NCO, Tacurong PNP, inihayag nito na nalulungkot sa ngayon ang kanilang hanay dahil sa pagkawala ng tumatayong tatay nila sa opisina.
Kasabay nito, sinisiguro ng mga ito na mananagot ang may kagagawan sa nasabing krimen.
Dagdag pa nito, isang motibo sa ngayon na tinitingnan ng mga otoridad ang anggulong pagnanakaw dahil sa nawawala ang sling bag ng biktima at mga kagamitan nito matapos ang pamamaril, maging ang service firearm nito ay nawawala na rin at pinaniniwalaang tinangay ng mga suspek.
Sa ngayon, tintingnan na ng maigi ng mga otoridad ang lahat ng background at anggulo sa pagpatay kay Braganza.
Maliban dito, nagsasagawa na ring imbestigasyon ang mga otoridad sa mga posibleng witness sa naturang krimen.