-- Advertisements --

VIGAN CITY – Time-out muna sa pag-eensayo ang isa sa mga taekwondo jins ng Team Philippines na nakasungkit ng gintong medalya sa katatapos na Southeast Asian (SEA) Games upang bisitahin ang kaniyang hometown sa Bangued, Abra at saglit na makasama ang kaniyang pamilya.

Nitong Huwebes nang magkaroon ng motorcade si Kurt Bryan Dela Vega Barbosa sa palibot ng kanilang bayan sa nasabing lalawigan at mainit itong sinalubong kaniyang mga kababayan, lalo na ang kanilang mayor na si Joaquin Enrico Valera-Bernos.

Biyernes naman ng umaga ay binigyan ni Abra Governor Joy Valera Bernos ng certificate of recognition si Barbosa bilang pagkilala sa tagumpay at karangalang naibigay nito, hindi lamang sa lalawigan ng Abra kundi pati na rin sa buong bansa.

Bukod pa rito, nag-abot din ng P50,000 si Governor Bernos bilang reward sa pagkakasungkit ni Barbosa ng gintong medalya.

Si Barbosa na 20-anyos ay kasalukuyang 2nd year Bachelor of Science in Tourism student sa National University sa Manila at nakatakdang lumipad patungong Wuxi, China para sa sasalihan nitong world taekwondo championship sa December 18 hanggang December 21.