-- Advertisements --
Madis
Tennielle Bedua Madis

CENTRAL MINDANAO – Pasok bilang miyembro ng Philippine Team na maglalaro sa International Tennis Federation, junior tournament ang isang mag-aaral na taga-M’lang, Cotabato.

Ayon kay Vice Mayor Joselito Pinol, nag-qualify upang maglaro sa bansang Australia si Tennielle Bedua Madis, mag-aaral ng Southern Baptist College sa darating na March 22-27.

Si Madis na 12-anyos lamang ang isa sa tatlong pinakabatang manlalaro na kabilang sa Philippine Team.

Matatandaang noong 2019 isa rin si Madis sa mga naglaro sa under 12 girl’s division sa South East Asia finals sa bansang Kazakhstan, kung saan nagtapos ang kanilang grupo sa top 6, mula sa 12 mga bansa na sumabak sa torneyo.

Bago ang kumpetisyon nito sa international scene, namamayagpag na si Madis dahil nasungkit din nito ang gintong medalya sa larangan ng tennis sa Palarong Pambansa.

Pinuri ni Vice Mayor Pinol ang suporta na ibinibigay ng mga magulang ng bata mula nang kakakitaan ito ng hilig sa paglalaro ng tennis.

Hindi na dadaan pa sa qualifying match ang bata, dahil sa nanalo na ito sa South East Asia at nasa panglimang puwesto siya sa World records, kaya pasok na ito para sa junior tournament sa Australia.

Itinuturing naman ni Pinol na isang karangalan para sa bayan ng M’lang ang pagkakaroon ng world class na manlalaro.

Ayon sa bise alkalde, magsisilbing halimbawa si Madis sa iba pang mga nagnanais na maging kampeyon at nangangarap din na makapaglaro hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat.

Hinimok ni Pinol ang mga nais na makilala sa iba’t ibang larangan ng palaro na mag-ensayo nang maigi dahil mayroong pamahalaan na nakahandang suporta at umalalay sa kanila sa oras na kakailanganin nila ang ayuda.