-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pinasalamatan ni 1001st Brigade Commander Brigadier General Jesus P Durante III ang mga miyembro ng militar matapos ang pagkakahuli ng ilang mga indibidwal na nasangkot sa paggawa ng mga eksplosibo.

Una ng nakilala ang bombmaker ng kumunistang New People’s Army (NPA) na si Victor P Rollon o nakilala rin bilang Rico Rollon alyas GO/PONG/MIGO matapos ang isinagawang operasyon sa Barangay La Filipina, Tagum City.

Kabilang rin sa nahuli ng mga otoridad sina Christine Joy Adorza Dula alias RYE/RAYRAY, Finance Officer sa Weakened Guerrilla Front 3, Sub-Regional Committee 4(SRC4), SMRC; at Chargelyn Monta Casquejo alias GAB/JILLIAN, Political Instructor ng Pulang Bagani Command (PBC), Regional Operations Command (ROC), SMRC.

Ayon kay Escalona nakakuha sila ng impormasyon patungkol sa presensiya ng mga armadong indibidwal sa nasabing barangay dahilan na nagsagawa ang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng operasyon.

Una ng napag-alaman na si Rollon ay may tatlong mga Warrants of Arrest na inilabas ng korte sa rehiyon dahil sa kasong murder, serious illegal detention, at robbery in band.

Nabatid rin na si Dula ay wanted rin dahil sa crime of rebellion samantalang si Casquejo ay nahaharap sa kasong kasong homicide.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang Improvised Explosive Device; 5.56mm M16 Colt rifle; caliber 45 pistol; magazines; ilang mga bala; stethoscope, thermometer, sphygmomanometer, cellphones, sim cards, at CPP-NPA documents.

Matapos ang pagkakahuli ng mga suspek, muling nanawagan si Durante sa mga naiwan pa na mga terorista na nasa bundok na mas mabuting sumuko para matulongan ito na makapagbagong buhay at maka-avail sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program sa gobyerno.