-- Advertisements --

LAOAG CITY – Dismayado ang tagapagsalita ng Bantay Bigas na si Gng. Cathy Estavillo matapos hindi matupad ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang kanyang mga pangako sa matagal nang sinisingil ng mga magsasaka at konsyumer hinggil sa ipinangakong 20 piso na kada kilo ng bigas.
Ayon sa kanya, base sa ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Marcos, inamin nito na walang ibinebentang bigas sa halagang P20 kada kilo sa mga pampublikong pamilihan sa bansa.

Aniya, walang silbi ang magagandang istatistika kung hindi mararamdaman ng mamamayan ang pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Paliwanag niya, hindi maitatanggi na sa ilalim ng administrasyong Marcos, naramdaman ng mga Pilipino ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na sa mga produktong agrikultura.

Sabi niya, hindi siya kuntento sa mga anunsyo ni Pangulong Marcos sa sektor ng agrikultura dahil hindi naibigay ang kahalagahan ng pagpapalakas ng produksyon ng mga lokal na magsasaka.

Kaugnay nito, sinabi ni Gng. Estavillo na hindi magtatagal ang pagpapatupad ng 29 pesos kada kilo ng bigas na ibinebenta sa mga Kadiwa center ngunit inaasahang patuloy na tataas ang presyo ng bigas.

Dagdag pa niya, nalulungkot siya na habang ang Pilipinas ay itinuturing na pangunahing importer ng bigas sa buong mundo dito rin mabibili ang pinakamahal na presyo ng bigas.